Anong nangyari? Ang paulit-ulit na naging tanong sa akin.
Anong nangyari? Tanging luha ang naisagot ko.
Anong nangyari? Tinanong ko din ‘yan sa aking sarili.
Pero ano nga ba talaga ang nangyari? Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano sisimulan ang isang bagay na tapos na. At dahil binabasa mo ito, malamang interesado kang malaman. Ikukwento ko ba muna kung gaano naging masaya? O didirecho na tayo sa parteng sobrang masakit na?
Anim na taong pag-sasama, sino nga namang hindi magugulat pag nalamang ito’y tapos na? “Oh em! Anong nangyari? 😮” may kasamang emoticon pa. Ako naman, tanging “Wala e, Ganun talaga” ang nasabi. Wala nga kasing forever di ba? Please, bago mo sabihing “ang bitter nito”, sana alam mo kung gaano kasakit para sakin ito.
“Ayoko na”, yun ung sabi niya nung una. Hindi ko na maalala kailan nagsimula. Pero sigurado akong medyo matagal na. Isang taon? Dalawang taon? O baka tatlong taon na? Oo, ganun katagal na. Ang lala di ba? Pero dahil nga mahal ko, sabi ko, “Teka, subukan pa natin ng isa pa”. Buo kasi ang paniniwala ko na hindi mo kailangan tapusin ang isang bagay hanggat kaya pang ayusin. Naayos naman, ata? Lumipas ung araw, buwan, taon. Naging masaya naman yung pag-sasama. Hindi ko nga lang alam kung ako lang ba yung nakaramdam ng saya.
Yung “ayoko na” naulit ng ilang beses pa. Ako naman ‘tong si tanga, nagpumilit pa. Nagmakaawa ako at umiyak sa kanya. Yung mga napapanood ko sa movies at teleserye hindi ko akalaing ako mismo ang gagawa. Yung dialogue ni John Lloyd sa One More Chance na “Mahal kita kahit ang sakit-sakit na”, damang-dama ko siya.
Yung “ayoko na” na naging “hindi na kita mahal”. Hindi ko alam kung kakayanin ko ba. Pero grabe, sobrang sakit niya. Yung isang beses niya lang sinabi pero paulit-ulit mo siyang nadidinig, may echo pang kasama. Mga salitang akala ko pang-That thing called tadhana lang, masakit pala talaga kapag sa totoong buhay na. Pero alam mo kung ano yung mas masakit? yung kasunod ng “hindi na kita mahal”.
“Hindi na kita mahal…..noon pa”. Teka, noon pa? Meaning matagal na. Kelan pa? Nung una daw niyang sinabing “ayoko na”. T*ngin* ano daw? Hindi ko tuloy mapigilan kwestyunin ang lahat. Ilang taon yung lumipas tapos wala na pala. Sa bawat taon na iyon ano lahat yung mga pinakita mo? Pag-papanggap lang ba? Pag-iyak na lang yung tangi kong nagawa. Umiyak hanggang sa wala ng luha. Umiyak hanggang sa hindi na makahinga. Yung puso ko feeling ko durog na durog na.
Hindi ko pa nga noon tinanggap agad, sinubukan ko pa din mag-makaawa. Tanga nga di ba. Pero sa sobrang sakit na din ng nararamdaman ko, ako na mismo yung sumuko. Sabi ko nga, hindi naman ako napagod mahalin siya. Napagod lang ako masaktan. At dahil pareho nang hindi masaya, tama lang naman na itigil na. Kesa tuluyang magkasakitan pa.
Ikaw, na tinutukoy ko, kung nababasa mo man ito. Pasensya ka na kung kailangan kong isulat ‘to. Hindi ko ito ginawa para siraan ka. Gusto ko lang malaman ng lahat na wala sa atin ang nagkulang. Parehas naman nating sinubukan pero sadyang hanggang dito na lang. 👍
So ano ang nangyari?
Heto ang nangyari.
Leave a Reply