Gusto ko ulit sumulat tulad ng mga ginagawa ko bago pa kita makilala
Itinigil ko kasi ‘yon mula noong maging tayong dalawa.
Wala namang pumigil, walang nag-bawal, nag-kusa lang talaga akong huminto.
At dahil wala na tayong dalawa, babalikan ko na yung unang nakahiligan ko.
Pero ano nga bang magandang isulat ko?
Ikwento ko ba kung paano tayo nagsimula o yung panahong umayaw ka na?
Alam ko na, isusulat ko na lang yung mga magagandang bagay tungkol sa ating dalawa.
Mga masasayang alaala na binuo natin ng magkasama.
Isa…Dalawa…Tatlo…nag-bilang hanggang anim na taon.
Anim na taon na pag-sasama, kalahating dekada, matagal-tagal din siya.
Madami-daming alaalang pwedeng iyakan o pwedeng tawanan.
Habang nagsusulat ako, nasisiguro kong may kirot na mararamdaman ‘tong puso ko.
Pero paalala lang sa sarili ko, “Hoy, kwentuhan lang, walang iyakan ha?”
Sa dami ng masasaya hindi ko alam kung saan magsisimula.
Siguro dito na lang sa unang beses kong naramdamang gusto kita.
Uwian na nang biglang umulan, naglalakad pa-MRT at nakasabay ka.
Buti na lang may payong akong dala, kaya sabi mo, “Pasabay naman ha”.
Bumagal lahat sa paligid, bumilis tibok ng dibdib, biglang nakaramdam ng kilig.
Napaisip tuloy ako bigla, “patay, lagot na, eto na kaya ang simula?”
Hanggang sa nadagdagan pa ang mga araw na madalas kasama kita.
Noon ko naranasan yung pakiramdam kung paano maging masaya.
Na hindi man buo ang pamilya ko
Naramdaman ko kung paano maging buo dahil sa’yo.
Tanda ko pa yung mga panahong sa Mall of Asia tayo tatambay.
Magpapahangin sa Seaside sabay ihahatid mo ako sa bahay.
Naalala ko tuloy yung unang pagpaplano kung saan tayo pupunta.
Sabi mo noon, “Tara sa Boracay, kaso, papayagan ka kaya?”
Eto yung unang out-of-town trip natin kasama mga kaibigan mo.
Unang sakay mo sa eroplano kaya kitang-kita yung kaba mo.
Pagkatapos nun, nasundan pa ng iba pang mga plano.
Bolinao, Puerto Galera, at Tagaytay sa mga nakaraang kaarawan ko.
Nag-surfing ka sa Baler habang ako nanonood sa bawat pag-tumba mo.
Nakarating sa Bataan, Batangas, Cavite, Laguna hanggang Pampanga.
Na-stranded sa Bohol, nag-habal sa Puerto Princesa,
Nag-skywalk sa Cebu kahit parehong kabado at nangangatog mga tuhod.
Sinabayan ako sa pagtalon nung Canyoneering dahil takot ako malunod.
At inenjoy ang ganda ng bawat isla sa El Nido.
Kung anu-ano lang naman talaga yung trip natin gawin.
Magpaikot-ikot sa mall, pupunta sa Kapitolyo para maghanap ng makakain.
Dadayo sa Greenhills para sa transformers at gundam pero puro lang hanggang tingin.
Pinanood ang concert ng Maroon 5 at The Script, ni Jason Mraz, pati yung kila Johnoy, Ebe at Bullet.
Meron pa ngang isa kaso yun yung bigla kang nagkasaket.
Matutulog hanggang hapon, tapos gising magdamag.
Parang nagpapalakihan lang tayo ng eyebags.
Manonood ng movies at makikipaglaro sa mga pamangkin mo.
Nakipaginuman sa mga kaibigan mo kaya lang nalasing ako.
Magpapagalingan sa mga pickup lines at knock-knock jokes, walang gustong magpatalo.
Kakain ng lugaw, tokwa’t baboy pati proben.
Ipapatikim mga prutas na never ko pang nakain.
Magpapakamot ng likod at ulo para lang antukin.
Kapag mamimili ka ng mga damit, mas matagal ka pa magsukat kesa sakin.
Ilan lang yan sa mga simpleng bagay na nagpasaya sakin
At sana, sa’yo din.
At ngayong wala na tayong dalawa, lahat ng masasayang alaala masakit pala tuwing maaalala.
Na yung paghawak mo sa kamay ko, paghawi sa mga buhok ko, pagyakap kapag ginaw na ginaw ako,
Na ang lahat ng yon kahit kailan hindi na muling mauulit pa.
Na yung mga bagay na ginagawa nating dalawa, gagawin mo na habang iba ang kasama.
Pero ano pa nga bang magagawa ko diba? Mas pinili mong iwan ako at balikan siya.
Kaya kahit masakit, hinayaan kita. “Maging masaya” yun kamo yung gusto mo.
Na pagkatapos ng ilang taon, akala ko ako padin yung nagpapasaya sa’yo,
Na minsang sinabi mong “Natagpuan mo na ang tunay mong ligaya,
lumabas ka ng kwarto’t naron ako”
Pero hanggang dito na lang ata talaga ang kwento nating dalawa, kaya naisipan kong isulat na lang ito.
Na sana sa bawat mga bagay at mga lugar na ito, maalala mo pa rin ako.
Isinulat ko ito dahil alam ko kahit paano naging masaya ka kasama ako.
Na may naidulot akong maganda sa buhay mo.
Isinulat ko ito dahil kahit na nasaktan mo ako,
minsang naging masaya din naman ako.
Isinulat ko ito dahil kahit may galit ngayon sa puso ko,
nagpapasalamat pa rin ako sa mga panahong naging masaya tayo pareho.
at isinulat ko ito dahil ito yung mga alaala ng kahapon na unti-unti ko ng itatago.
Leave a Reply