Akala ko noon pinakamahirap sagutin yung tanong na “Bakit?”
Wala nga daw sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga ‘di ba?
Pero hindi pala, mas mahirap pala sagutin yung “Kamusta ka na?”
Paano mo naman kasi sasagutin kung hindi mo alam sa sarili mo kung kamusta ka?
“Kamusta ka na?” kasabay ng mga salitang ito yung pagtulo ng luha ko.
Kanan, kaliwa, parang nag-uunahan ang mga luha sa pagbagsak sa mga mata ko.
Literal kong nararamdaman na kumikirot yung puso ko.
Na parang ang sarap hilingin na sa pagtibok, ito’y biglang huminto.
“Kamusta ka na? Okay ka lang ba?”, ano nga bang tamang isagot dun?
Minsan kong sinabing “Hindi pa din ako okay, masakit padin”, basta ganun.
Pero imbis pag-intindi, parang pang-aasar pa yung narinig ko.
“Anu ba yan, hanggang ngayon? Move on na, parang ang bitter mo.”
Ang akala ata ng karamihan, porket nakahanap siya agad ng kapalit ko, ganun din dapat yung gawin ko.
Bakit daw kasi binigay ko yung lahat sa iisang tao at hindi ako nagtira sa sarili ko.
Kapag ba nagmahal ka, lilimitahan mo yung sarili mo dahil iisipin mong maghihiwalay din naman kasi kayo?
Sino bang mag-aakala na sa paglipas ng ilang taon, hindi pala sapat lahat ng binigay mo para manatiling kayo.
“Kamusta ka? Anong pinagkakaabalahan mo?”
“Ako? Eto, nood ng tv series, nag-gigitara tapos umiiyak kapag bored ako.”
Ewan ko ba kung anong meron at may mga bagay na kaya ko padin gawing biro.
Pero seryoso, may mga oras na umiiyak lang talaga ako.
“Anak, kamusta ka na? How was your day”, gabi-gabing tanong ni Papa pagka-uwi ko.
“Okay lang, madaming ginawa” o kaya “Okay lang.” ganun lang yung usual na sagot ko.
Pero naalala ko yung panahong sobrang bigat ng pakiramdam ko, kaya umiyak nalang ako.
Siguro sapat na yung mga luha para masagot yung tanong kung kamusta ako.
Gumising, umiyak, magtrabaho, umiyak, matulog, umiyak, ganyan yung naging buhay ko.
Ngumiti kahit napipilitan, umastang normal ang lahat, sa bawat araw ganun ung ginawa ko.
Dumating sa puntong nagmakaawa ako sa Diyos na sana tumigil na yung sakit na nararamdaman ko.
Alam ko medyo matagal ang inabot, hindi ko naman kasi minamadali yung proseso.
Sinabi ko naman sa sarili ko, kahit gaano pa kasakit ito, lahat kakayanin ko.
Pagdadaanan ko lang at hindi tatambayan yung problemang dinulot mo.
Kaya ngayon kamustahin mo ako.
Kapag sinabi kong okay na ako, maniwala ka kasi yun yung totoo.
Dahil hindi ko magagawang isulat ito kung hanggang ngayon, wasak parin ako.
Leave a Reply